Sunday, February 12, 2017

Bakit hindi dapat ibalik ang sapilitang ROTC? (Part 1)


Usap-usapan ngayon ang pagsusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibalik ang sapilitang Reserve Officers’ Training Course (ROTC) sa mga paaralan, partikular, sa ika-11 at ika-12 antas sa mataas na paaralan sa bansa. Isa ito sa mga planong inilahad ni Pangulong Duterte sa kanyang unang Ulat sa Bayan o State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo ng nakaraang taon. Ayon sa kanya, ang hakbang na ito ay makakatulong upang “maikintal ang pagmamahal sa bayan at mabuting pagkamamamayan” sa mga kabataan.

Ngayon, ayon mismo kay Agriculture Secretary Manny PiƱol, inihayag ng Pangulo ang pag-apruba niya ang pagsulong ng naturang hakbang sa nakaraang pulong ng kanyang Gabinete. Nang maibalita ito sa telebisyon, diyaryo, radyo at social media, maraming mga kabataan at mga nakatatanda ang nagpahayag ng pagkatuwa sa pasyang ito.


Mga sinasabi ng mga netizen tungkol sa panukalang pagbabalik
ng mandatory ROTC

Ayon sa mga naturang netizens, ang ROTC daw ay “magtuturo ng disiplina” sa isang bansang “walang takot sa batas at walang respeto sa otoridad.” Anila, kaya raw ang mga tinaguriang “millennials” o yung mga pinakabata sa henerasyon ngayon eh tila mga “laki sa layaw, tamad at puro bisyo lang ang alam” eh dahil hindi sila pwersadong kumuha ng ROTC. Ani pa ng isang netizen, tanging mga “komunista, mangingikil at terorista lamang ang mag-uudyok na huwag ituloy ang mandatory ROTC.”

Ang mga ganitong mga pahayag, gaya ng pahayag ng kanilang idolong si Duterte ay nakakatawa ‘pagkat ito ay bunga ng kanilang kamangmangan tungkol sa isyu ng ROTC.


Ano ang ROTC? Bakit ito inalis?

Ang ROTC ay isang matagal nang programa ng gobyerno na layong ihanda ang mga kabataan sa serbisyong pang-militar at upang maging bahagi sila ng Reserve Force ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang reserbang pwersang ito ay inaasahang siyang pupuno sa pangangailangan ng kasundaluhan sakaling sumiklab ang digmaan o sakuna.

Ang ROTC ay isa sa mga kursong pagpipilian sa National Service Training (NSTP) program ng gobyerno, na naglalayong ihanda ang mga kabataan sa paglilingkod sa bayan. Bukod sa ROTC, ang iba pang kurso sa programa ay ang Civil Welfare Training Service (CWTS) at Literacy Training Service (LTS). Ang NSTP ay mandatory sa lahat ng mga mag-aaral sa kolehiyo, batay sa NSTP Law of 2001. Subalit, maaaring pumili ang mga mag-aaral kung alin sa tatlong kurso ng NSTP ang maaari nilang kunin.

Bago naisabatas ang NSTP Law of 2001, sapilitan ang pagkuha ng ROTC sa mga kolehiyo at wala itong civilian welfare at literacy component. Ang naturang programa ay pugad ng pang-aabuso at katiwalian. Naging kaugalian sa ROTC ang hazing o ang paggamit ng karahasan upang “subukin ang tapang, tatag at katapatan” ng isang kadete.

Sa katunayan, ang hazing at katiwalian na ito ang pangunahing dahilan kung bakit naisabatas ang NSTP Law of 2001 at ginawang optional ang ROTC sa mga paaralan. Ang pag-hazing at pagpatay noong 2001 sa mag-aaral ng University of Santo Tomas na si Mark Welson Chua ay ang partikular na insidente na nagresulta sa pagsasabatas ng NSTP Law of 2001.


Sino si Mark Welson Chua?

Si Mark Welson Chua ay isang 19-taong-gulang na mag-aaral ng UST na sumailalim noon sa ROTC at nagbunyag ng katiwalian sa loob ng naturang programa. Ibinunyag niya ang naturang katiwalian sa pamamagitan ng isang artikulo sa pahayagang The Varsitarian ng paaralan, na nagresulta sa pagkakatanggal sa serbisyo ng noo’y kumandante na si Maj. Demy Tejares.

Matapos ang kanyang pagbubunyag ay nakatanggap ng mga banta sa kanyang buhay si Chua. Noong Marso 18, 2001, nakita ang kanyang nabubulok na bangkay na palutang-lutang sa Ilog Pasig, nakabalot sa carpet at binusalan. Ayon sa otopsiya, buhay pa si Chua nang itapon sa Ilog Pasig.

Apat na mag-aaral ng UST-ROTC ang kinasuhan kaugnay ng pagpatay kay Chua. Dalawa sa kanila — sina Arnulfo Aparri, Jr. at Eduardo Tabrilla — ay nakasuhan ng habambuhay na pagkakakulong at anim hanggang 14 na taong pagkakakulong. At itinuturong mga utak sa kanyang pagpatay na sina Paul Joseph Tan and Michael Von Rainard Manangbao ay patuloy na nakakalaya. Si Tan ay pamangkin umano ng isang bise alkalde sa Lamitan City, Basilan habang si Manangbao ay anak ng isang dating hepe ng pulis sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Hanggang ngayon ay mailap pa rin ang hustisya para sa pamilya Chua.

Abangan ang karugtong bukas, 10:00 ng gabi.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...