Pages

Friday, August 1, 2014

FILIPINO | Ang pananaw ng Pilipino sa pera

Kagabi, habang nanunuod ng State of the Nation with Jessica Soho, nabalitaan ko ang pagkakahuli ng mga tao sa likod ng isang panibagong investment scam.

Naloko umano ng Upwarm Limited Co. ni Rodolfo Miranda Jr. ang mahigit 100 katao at nagkamal ng mahigit P100 million mula sa ipon nila. Ginamit umano ng grupo ni Miranda ang Facebook upang maka-engganyo ng mga mamumuhunan sa kanyang network marketing investment scheme at nangakong dodoblehin ang pera ng mga kasapi sa loob lamang ng ilang araw.

Kung tutuusin, hindi na bago ang mga ganitong balita.

Kasaysayan ng mga investment scam sa bansa

Nitong 2012 lamang, libu-libong mga resident ng Visayas at Mindanao ang naloko ng Aman Futures Group ni Manuel Amalilio. Nakakuha si Amalilio ng halos P12 bilyon mula sa mahigit 10,000 mga mamumuhunan.

Dalawang taon bago nito, noong 2008, nabunyag naman ang investment scheme ng Legacy Group ni Celso De Las Alas, na nakapagdispalko ng P30 million. Subalit, mas nauna naman dito ang Multitel Corporation ni Rosario “Rose” Baladjay noong 2002, na nakapanghuthot ng P25 million.

Kung paulit-ulit na nalolok ang madla ng mga ganitong klase ng investment scheme, di kaya may sinasabi na ito tungkol sa pagtingin ng mga Pilipino sa pera at sa mismong pag-iisip ng mga Pilipino?

Madaling magtiwala ang mga Pilipino

Sa isang ulat ng ABS-CBN News.com, ipinaliwanag ni kalihim Gerald Lukban ng Securities and Exchange Commission ang operasyon ng mga investment scams na ito.

“Ang una nilang ginagawa ay ang mang-akit ng mga mamumuhunan sa pamamagitan ng pangako ng malaking tubo o returns—tubo na masyadong malaki para maging totoo,” ani ni Lukban.

Idinagdag pa ni Lukban na imposibleng mangyari ang malaking tubo na ipinapangako ng mga investment scam, na madalas ay nasa pagitan ng 4% hanggang 60% na interes. Idinagdag rin niya na karamihan sa mga Pilipino ay madaling magtiwala kaya sila naaakit ng mga investment scam.   

“Nakita namin sa mga gawain ng Legacy Group at iba pang investment scams ang kalakaran. Sa una’y pinapadama muna sa iyo yung resulta para lalo kang ma-engganyo at maka-engganyo ng iba pang mamumuhunan. Ipakikita sa iyo na tumubo nga talaga ang pera mo, bibigyan ka ng bagong sasakyan—talagang ipadadama sa iyo na mabisa ang kalakaran. Pero ang di nila sinasabi ay ang sasakyang ibinigay sa iyo ay inutang lang pala at di pa nababayaran. Kapag nalugi na ang investment scheme, dun mo lang mapagtatantong naloko ka,” sabi ni Lukban.

Ganito-ganito ang nangyari sa Upwarm Limited Co. Sa ulat ng GMA News Online, inihayag ni Eric Carreon, isa sa mga nabiktima ng naturang scam kung paano siya naakit na mag-invest.

“Nagsimula ako mag-invest ng P9,200 tapos tumubo siya, naging P18,000. Nakuha ko yung P18,000 kaya syempre na-enganyo ako, dinagdagan ko,” ani ni Carreon. Tinatayang nasa P250,000 ang nakuha ng Upwarm sa kanya.

Ang kababalaghan ng pera

Ang mabilis na pagka-enganyo sa perang mabilis tumubo ay tanda ng mga maling paniniwala ng mga Pilipino sa pera, na marahil ay bunga na rin ng paniniwala at pananampalataya natin.

Bago pa man dumating ang Kristiyanismo sa bansa, malakas na ang pananalig ng mga Pilipino sa mga kababalaghan. Nariyan ang paniniwala sa mga agimat, birtud, at anting-anting na nakapagbibigay umano ng kapangyarihan. Nariyan din ang kulam at gayuma na kaya umanong maka-impluwensya sa taong paggagamitan nito.

Sa kasaysayan, palasak na ang mga milagrosong pangyayari gaya ng aparisyon ng Birheng Maria sa Agoo, La Union, at Lipa, Batangas.

Tila nasobrahan sa pananalig at pagka-relihiyoso ang mga Pilipino kaya naman pati ang “kababalaghan” ng perang madaling lumago ay agad na sasamantalahin ng ating mga kababayan.

Subalit may mas malaki pang imahe sa likod ng mga pangyayaring ito, pagkat sumasalamin rin ito sa pananaw ng Pilipino kung ano nga ba ang tunay na pag-asenso sa buhay.

Easy money at One-Day Millionaire

Marahil, ang tingin ng mga Pilipino ay madali, biglaan, at di nangangailangan ng malaking hirap o puhunan. Patunay rito ang milyun-milyong Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat (OFWs) dahil sa pangako ng mas mataas na sahod at mas malaking halaga ng pera bunga ng mas mataas na palitan ng piso at salapi ng ibang bansa.

Patunay rin dito ang araw-araw na pagtaya natin sa sari-saring mga sugal, mula sa mga iligal na pustahan ng jueteng, masiao, at mah jong, hanggang sa mga legal na pasugalan gaya ng sa mga casino at loterya ng PCSO.

Sa madaling sabi, mataas ang pananalig ng mga Pilipino sa Easy Money. Di lang yan. Ang depenisyon rin nila ng tagumpay ay magarang bahay at sasakyan at ang kakayahan na mabili ang kanilang mga luho at layaw sa buhay. Mapamayaman, mapamahirap, ganito ang pagtingin sa pera. One-day millionaire, ika nga.

Tingnan mo na lang sa mga mahihirap na komunidad sa kalunsuran. Kapag nakakuha ng mataas na sahod, bonus, o pautang si Tatay, ang unang binabayaran niya ay ang mga negosyante sa pamamagitan ng pagpapainom sa kanyang mga kaibigan, paglibre sa kanyang pamilya at mga kamag-anak, o ang pagbili ng bagong DVD player para magkasama nga namang makanuod ang mag-anak ng mga bagong pelikulang pinirata.

Ganun din naman, sa mga nakakaalwan ang buhay. Pag may promosyon si Daddy o si Mommy, ang nasa isip nila eh, “Bakit kailangan kong mamasahe papuntang trabaho kung pwede naman akong bumili na ng kotse? Bakit kailangan kong magtiyaga sa ordinaryong cellphone kung kaya ko naman nang bumili ng mamahaling iPhone?”

Kapag may pera ang mga Pilipino, ang unang nilang binabayaran ay ang iba kapalit ng mga materyal na bagay na di naman makapagpapasaya sa kanila ng pangmatagalan. Sa halip na mag-impok sa isang magandang kinabukasan, nag-iimpok sila para gumastos sa mga bagay na walang kapararakan.

Patunay ng pag-iisip na ito ang pinakahuling Consumer Finance Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas nitong 2012.

Ayon sa survey, walo lamang sa 10 pamilya sa Pilipinas ang may bank account. Dagdag pa rito, 3.7% lamang ng mga pamilyang tinanong ang may hinuhulugang bahay, 5.8% lamang ang may hinuhulugang real property (gaya ng lupa, apartment, o condominium unit), at 13.5% lamang ang may binabayarang utang o consumer loan (maaaring sa sasakyan o kagamitan). Samantala, 20.9% naman ang may personal na pagkakautang at 3.9% naman ang may binabayarang utang sa credit card.

Bagong pananaw sa pera at pamumuhunan

Matagal nang nangangailangan ng pagbabago sa ating pananaw pagdating sa pera at pamumuhunan. Sa halip na gumastos, kailangan na mas bigyang prayoridad ng nakararaming Pilipino ang pag-iipon, hindi sa alkansya, kundi sa bangko. Nakatutulong ito sa kabuuang daloy ng ating ekonomiya.

Kung nakinig kayo sa inyong guro sa Economics noong hayskul, alam na ninyo marahil na kapag ang pera ay nasa bangko, bukod sa tumutubo ito ng interes, ito ay maaaring gamitin ng mga bangko upang mag-invest sa mga gawaing nakapaglilikha ng trabaho at nakatutulong sa mga mamamayan.

Ang pautang na ibinibigay ng mga bangko sa gobyerno para sa pagpapatayo ng mga kalsada, tulay, at iba pang mga imprastruktra at nakapagbibigay ng trabaho sa mga enhinyero, karpintero, at iba pang manggagawa ay galing sa perang iniimpok natin. Sa madaling sabi, kahit natutulog ang pera mo sa bangko, may mga di-materyal na biyaya naman itong dala.

Subalit, kung mahalaga sayo ang halaga ng pera mo, di mo hahayaang matulog sa ito bangko dahil sa inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, bumababa ang halaga ng iyong salapi. Kaya nga kung ang piso noong panahon ni Cory Aquino ay nakakabili ng apat na piraso ng kendi, ngayon, kailangan mo ng apat na piso para dito.

Maaari mong ibalik sa daloy ng ating ekonomiya ang iyong inimpok na pera pamamagitan ng:

(1) Pagnenegosyo, pagkat ito’y makapagbibigay ng kita, makapaglilikha ng trabaho, makapagbibigay ng buwis, at makapagtatayo ng mga bagong produkto at pamilihan,

(2) Pagmumuhunan sa stock market, kung saan maaari kang bumili ng porsyento sa isang kumpanya at makakuha ng buwanan o taunang dividends sa kita ng kumpanya,

(3) Pamumuhunan sa mutual funds, kung saan nililikom ng mga bangko ang puhunan mo at ng iba pang mga investor upang i-invest sa mga gawaing makakapagpalago ng inyong puhunan,

(4) Pagbili ng government bonds, kung saan para kang nag-iimpok sa gobyerno habang binabayaran nila ito ng interes.

Di naman nawawala ang panganib sa anumang uri ng pamumuhunan, kahit maging sa apat na nabanggit  na. Subalit, kumpara sa mga investment scam na tulad ng Upward Limited Co., Aman Futures Group, Legacy Group, at Multitel Corporation, ang mga pamumuhunang nabanggit ay mas ligtas at kakaunti ang panganib.

Nasusubaybayan ng gobyerno sa pamamagitan ng Securities and Exchange Commission at iba pang mga karatig na ahensiya ang operasyon ng stock market, mutual funds, at government bonds.

Bukod rito, nagbibigay ang mga bangko at mga kilalang financial institutions ng kaalaman kung paano ka mag-iimpok sa mga ganitong pamamaraan nang di dumaraan sa matinding panganib. Mahalaga rin na ikaw, bilang mamumuhunan, ay nagsasagawa ka ng sarili mong pag-aaral sa pahawak at paggugol ng salapi, at pagsisiyasat sa mga pinalalagakan mo ng iyong pera.

Ang tunay na tagumpay, pinaghihirapan bago marating. Bagamat mas mabagal ang tubo ng iyong puhunan sa ganitong mga legal na uri ng pamumuhunan, sa iyong pagreretiro, di ka naman magsisisi kapag inani mo na ang paglago ng iyong salapi.

Mga batayang batis:
Colayco, Francisco (2004). Wealth within your reach: Pera mo, palaguin mo! Manila. Colayco Foundation for Education

No comments:

Post a Comment