Sunday, February 26, 2017

Kayong mga bumigo sa himagsikan



“Ano bang nangyari pagkatapos ng EDSA? Lumaganap ang kahirapan. Lumaganap ang drugs. Lumaganap ng krimen. Dumami ang mga corrupt. Yang EDSA Revolution ang pinakamasamang pangyayari sa ating kasaysaysan,” sabi ng isang tangang netizen sa Facebook.

“Nagkaroon daw ng freedom pagkatapos ng EDSA. Oo. Freedom na mangurakot, freedom na magdrugs. Mayayaman lang ang nagkaroon ng freedom. Wala nang disiplina ang mga tao,” sabi ng isa pang tangang netizen habang ginagamit ang kanyang freedom of expression sa Facebook.

Ang daming nilang pinupukol at binibintang sa EDSA Revolution, na tila ba ito ay isang kabiguan at sanhi ng lahat ng kahirapan at kamalasang dinaranas ng bansa ngayon. Pero EDSA Revolution nga ba ang may likha ng lahat ng mga problema natin ngayon?


EDSA Revolution: Sanhi ng pambansang problema?

Bago mo sisihin ang EDSA Revolution sa mga kasalukuyang problema ng bansa, tumingin ka muna sa salamin at bumalik sa nakaraan.

Halimbawa, noong balangkasin at ipasa ang 1987 Constitution, ano ang ginawa mo para tutulan ang mga probisyon na sa tingin mo eh di makabubuti sa taumbayan? Ano ang ginawa mo para kumbinsihin ang iyong mga kababayan na tuligsain ang pagpasa sa mga probisyong ito? Ano ang ginawa upang kumbinsihin at pilitin ang kinatawan ng inyong lalawigan upang baguhin ang mga probisyong ito? Kung wala kang ginawa, sino ngayon ang dapat sisihin? Ikaw.

Noong 1993, ibinalik ang bangkay ng diktador na si Ferdinand Marcos sa bansa. Mula noon, ang katawan niya ay naging simbahan ng mga Marcos loyalists, na mas mahal pa ang dating diktador at human rights violator sa halip na sarili nilang bansa. 

Nakabalik ang bangkay ni Marcos ang bansa dahil sa isang kasunduan sa pagitan ni dating Pangulong Fidel Ramos at ng pamilya Marcos. Nakabalik rin muli sa kapangyarihan ang pamilya Marcos. Nahalal si Imelda Marcos bilang kongresista ng Leyte noong 1995. Nahalal naman bilang gobernador at kinatawan ng Ilocos Norte ang mga anak niyang sina Imee at Bongbong noong 1998. 

Nagpatuloy sila sa kanilang political dynasty sa mga naturang probinsya; patuloy rin nilang ipinagkalat ang kasinungalingan na ang rehimeng Marcos ang pinakamaganda umanong yugto sa kasaysayan ng bansa. Ito ay sa kabila ng pag-utos ng mga korte sa bansa at ibayong dagat na ibalik nila sa gobyerno ng Pilipinas ang mga perang ninakaw nila sa kaban ng bayan.

Ano ang ginawa mo upang pigilan ang pagbabalik sa bansa ng bangkay ni Marcos? Ano ang ginawa upang pigilan ang pagbabalik sa pulitika ng pamilya Marcos? Kung isa ka sa mga bumoto kina Imelda, Imee at Bongbong, isa ka sa libo-libong Pilipinong nagbigay kapangyarihan sa political dynasty na ito. Ikaw ang sanhi ng problema.

Ano'ng ginawa niyo pagkatapos ng EDSA?

Ilang mga batas na ba ang naipasa ng Kongreso na hindi naman nakabuti sa mamamayan? Ilang mga panukalang batas na makabubuti sana sa mamamayan ang hindi naipasa ng Kongreso dahil ayaw nilang talakayin at pagbotohan? Kailan ka huling pumunta ng Kongreso upang hikayatin ang iyong kongresista o senador na ipasa o kaya ay tutulan ang isang panukalang batas? Kung di mo ito nagawa sa buong buhay mo, bahagi ka ng mga problema pagkatapos ng EDSA Revolution.

Nang matapos ang EDSA Revolution, ipinagpatuloy mo ba ang pagsunod sa Saligang Batas, gaya ng mga batas trapiko, batas sa pagbabayad ng buwis, at iba pa? Kung isa ka sa mga taong hinaharangan ang tawiran gamit ang kanyang sasakyan, o kaya eh hindi tumatawid sa tamang tawiran, o kaya ay hindi nagbabayad ng tamang buwis, bahagi ka ng mga problema pagkatapos ng EDSA Revolution.

Ilang gobyerno na ba ang lumipas pagkatapos ng EDSA Revolution? Aquino, Ramos, Estrada, Arroyo, Aquino III at Duterte. Ano ang ginawa mo para tutukan sila sa mga bagay na ipinangako nila? Ano ang ginawa mo upang punahin sila sa mga pangako nilang napako? Ano ang ginawa mo upang kalampagin sila kapag tila pinababayaan nila ang kanilang tungkulin o kaya eh umaabuso sila sa kapangyarihan? Kung hindi mo sila pinupuna, hindi nila nakikita na nagpapabaya sila o kaya eh mali ang ginagawa nila. Hinahayaan mong lumaki ang ulo nila. Naging kunsintidor ka ng maling gawain sa ating pamahalaan.

Sa inyong mga komunidad, ano ang ginawa mo upang hindi na muling maihalal ang mga tiwali, mapang-abuso at kapit-tukong mga opisyal? Ano ang naging partisipasyon mo sa mga programang pang-komunidad? Kabilang ka ba sa mga tumutulong na maiparehab ang mga drug addict? Kabilang ka ba sa mga tumutulong upang mailayo ang kabataan mula sa krimen at karahasan? Kabilang ka ba sa mga tumutulong sa mga naghihikahos at naghihirap sa ating bayan? Kung hindi mo ginagawa ang iyong social responsibility, kung nawalan ka ng pakialam sa iyong paligid, bahagi ka ng problema.

Ang gobyerno ay sumasalamin sa mga taong nasasakupan nito. Kung ang gobyerno ay mapaniil, mapang-abuso, walang pakialam at pumapatay, patunay lamang na ang mga nasasakupan nito ay mga alipin at gustong magpaalipin.

EDSA para sa paglaho ng mga problema?

Kung sumali ka sa EDSA Revolution sa buong pag-aakalang gaganda ang buhay mo, nagkakamali ka ng akala. Maging ang mga taong nag-organisa ng EDSA Revolution ay walang ipinangakong ganyang bagay. Wala namang sinabi si Cardinal Sin na kapag sumama kayo sa EDSA Revolution eh yayaman kayo. Wala namang sinabi si Cory Aquino na kapag sinuportahan niyo ang pagpapatalsik kay Marcos eh mawawala na ang mga problema ng bansa.

Ang EDSA Revolution ay isang lamang mapayapang pagpapalit ng gobyerno, mula sa isang mapaniil sa ating kalayaan, tungo sa dapat sanay isang demokratiko at malayaang uri ng pamahalaan. Sa pagkakataong iyon na nawala sa poder si Ferdinand Marcos, pagkakataon na sana natin iyon na gamitin ang ating kalayaan upang baguhin ang umiiral na mga maling kaisipan at sistema ating lipunan. Pero kung ginamit niyo ang kalayaang natamo niyo upang ibalik lamang sa poder ang mga trapong pulitiko, upang bigyang kapangyarihan ang mga pumapatay at mga mapang-abuso, upang hayaan ang mga sumunod na gobyerno na muling lamunin ng tiwaling sistema, upang hayaan ang bansa na patuloy na masadlak sa kahirapan — puwes, hindi kasalanan ng EDSA Revolution iyon. Kasalanan niyo iyon. 

Walang ibang dapat sisihin kundi kayo. Hindi ang EDSA. Hindi ang demokrasya. Ang EDSA ang lansangan lamang. Ang EDSA Revolution ay isang pangyayari lamang. Ang demokrasya ay isang konsepto lamang. Pero ang diwa ng EDSA ay hindi maisasakatuparan kung kayo ay naging inutil, kunsintidor at pabaya. Gaya ng mga Pilipino buong pusong niyakap ang kolonyalismo ng mga Amerikano pagkatapos ng Himagsikang ng 1896, patuloy niyong niyayakap ang mga malulupit at mapang-alipin. Mahal na mahal niyo ang mga tinakala niyo.

Hindi nabigo ang EDSA Revolution. Kayo ang bumigo sa himagsikan.

Monday, February 13, 2017

Bakit hindi dapat ibalik ang sapilitang ROTC? (Part 2)

Balikan ang unang bahagi ng artikulong ito dito.

Sa kabila ng pagpasa sa NSTP Law of 2001 at pagiging optional ng ROTC sa mga kolehiyo, nagpapatuloy ang karahasan, katiwalian at pang-aabuso sa loob ng programa.

Nitong 2014 lamang, dalawang kadete ng ROTC ang tinanggal sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) matapos umanong saktan ang isang babaeng kadete dahil sa hindi pagdalo sa Cadet Officers Candidate Course ng pamantasan.

Sa taon ding iyon, inimbestigahan ng De La Salle University Manila ang insidente ng umano’y hazing sa ROTC sa pamantasan. Pamansamantalang sinuspinde ng pamantasan ang programa habang iniimbestigahan ang kumandante ng ROTC.

Noong nakaraang taon naman, ilang mga mag-aaral ng University of Mindanao sa Tagum City, Davao del Norte ang inimbestigahan ng kanilang pamantasan matapos lumitaw sa internet ang video ng umano’y pananakit nila sa mga kadete ng ROTC.

Ang mga ganitong insidente ng hazing at katiwalian sa loob ng ROTC ang dahilan kung bakit katawa-tawa ang mga pahayag ng mga netizen na pabor na gawing mandatory ang naturang programa. 

Kung talagang ang paniniwala nila ay magtuturo ng disiplina ang ROTC, bakit mismong mga kadete ng ROTC ang tila walang disiplina at sa halip ay nananakit at pumapatay pa ng kanilang kapwa kadete? Iyan ba ang pakahulugan nila ng “disiplina”?

Mga tiwali sa pamahalaan, produkto ng ROTC?

Sa pahayag ng Pangulo na ang pagbabalik ng mandatory ROTC ay “magkikintal ng pagmamahal sa bayan at mabuting pagkamamamayan” sa mga kabataan, makikita ang katotohanan ng pahayag na ito sa mga taong naging bunga ng ROTC program.

Tingnan natin ang ilan sa mga nagsipagtapos sa ROTC: Nariyan si dating Pangalawang Pangulo Jejomar Binay na kasalukuyang humaharap sa mga kasong katiwalian at pandarambong sa Sandiganbayan kaugnay ng maanomalyang Makati City Parking Building II. Nariyan rin si dating Pangulo ng Senado Juan Ponce Enrile, na kasalukuyang humaharap sa mga kasong katiwalian at pandarambong sa Sandiganbayan kaugnay ng maanomalyang paggamit ng pork barrel funds. Idagdag pa natin ang dating hepe ng AFP na si Fabian Ver, na siyang kanang kamay ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, na nauugnay sa mga kaso ng katiwalian at paglabag sa mga karapatang pantao.

Kung talagang ang pagbabalik ng sapilitang ROTC ay makakatulong sa pagpapanumbalik ng pagmamahal sa bayan at mabuting pagkamamamayan, bakit marami sa mga produkto nito ay mga nasangkot sa katiwalian at pag-aapi sa bayan? Hindi kaya dahil wala naman talagang konsepto ng pagkamakabayan ang naituturo sa ROTC at sa halip ay nakatuon ang programa sa paghubog ng mga malulupit na kawal na handang manakit at pumatay?

Bukod rito, paano masisiguro ng kasalukuyang pamahalaan na hindi na magiging tiwali at mapang-abuso ang mga kawani ng ROTC program, gayong sa mismong Sandatahang Lakas ng Pilipinas at sa Pambansang Kapulisan ay hindi nila mawakasan ang naturang masamang gawain?


ROTC: Programa ng malalakas na bansa?

May mga nangangatwiran gaya ni AFP spokerperson Brig. Gen. Restituto Padilla na “kailangan ang ROTC ‘pagkat ito ay katangian ng mga malalakas na bansa” gaya ng South Korea, Singapore at Israel.

Subalit, bakit nga ba may national military service program ang mga bansang gaya ng South Korea, Singapore at Israel? Ito ay dahil ang mga bansang ito ay palagiang may banta sa kanilang seguridad. Ang Israel ay napapalibutan ng mga bansang Arabo na nagbabantang digmain ang naturang bansa dahil sa pagpapaalis nito sa mga Palestino sa kanilang tinubuang lupa. Ang Singapore ay naglunsad ng sarili nitong national service program bilang tugon sa bantang pananakop ng Malaysia noong dekada ’60. At ang South Korea ay nananatiling nasa estado ng digmaan laban sa North Korea sa kabila ng kasunduan sa Panmunjom noong dekada ’50.

Walang kasalukuyang panlabas na banta sa seguridad ng Pilipinas. At bagamat may mga banta ng terorismo mula sa Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Maute Group at New People’s Army, ang mga bantang ito ay hindi nangangailangan ng isang reserbang pwersa upang matugunan. Sapat ang tinatayang 125,000 na pwersa nito upang tugunan ang mga naturang banta. Idagdag mo pa ang kasalukuyang reserbang pwersa na nasa 130,000 katao.

At hindi rin naman na ngangahulugan na ang pagkakaroon ng ROTC at isang malaking reserbang pwersang pandigma ay magiging daan tungo sa pagiging isang malakas na bansa na kayang labanan ang mga panlabas na banta sa seguridad. Para sa isang bansa gaya ng Pilipinas, na ang hukbong pandagat, panghimpapawid at katihan ay kulang-kulang sa mga kagamitan, sandata at mga sasakyang pandigma, hindi rin naman nito kakayaning ipagtanggol ang bansa mula sa mga panlabas na banta.


Ang mas dapat na bigyang pansin

Kung may mga paksang aralin sa pamantasan na dapat bigyang pansin at palakasin, hindi iyon ang ROTC. Kung nais nating maging makabayan at mabuting mamamayan ang mga kabataan, mas lawakan niyo ang oras na iginugugol sa pag-aaral ng Kasaysayan, Values Education, Philippine Constitution, Peace and Human Rights, Conflict Resolution, Disaster Risk Reduction and Response, Citizenship Education at iba pang mga kaugnay na paksang aralin. Ito ang mga paksang aralin na talagang tumatalakay sa pagkamakabayan at mabuting pagkamamamayan, hindi ang ROTC. Sa halip na turuan ang kabataan na makipagdigma, hindi ba't mas akma na turuan sila ng mga katangian sa mapayapang pagresolba ng mga sigalot at tunggalian?

Ang pagbabalik ng sapilitang ROTC sa pamantasan ay lilikha lamang ng dagdag na gastusin at alalahanin sa mga magulang — na siyang dapat na may huling salita pagdating sa pagdidisiplina ng kanilang mga anak at hindi ang mga kawani ng ROTC. Lilikha rin ito ng karagdagang pasanin sa mga mag-aaral na umaaray na sa dami ng aralin sa paaralan na ang ilan ay hindi naman nila nagagamit sa kanilang buhay propersyonal. Kung nais mong maging nurse o doctor, guro o engineer, accountant o pintor, hindi mo magagamit ang kaalaman sa paghawak ng baril sa iyong propersyon.

Ang sapilitang ROTC ay magdudulot lamang ng mga mangmang na kabataan gaya nito na bulag ang pagsunod sa estado. (Kuha ni Jessica Bartolome/GMA News)


Ang mga hakbang ng pamahalaang Duterte na ibalik ang sapilitang ROTC ay tanda lamang na unti-unting lumakas na ideyolohiya ng pasismo at militarism sa loob ng pamahalaan. Ang mga pwersang naging daan sa pagdedeklara noon ng Batas Militar sa ilalim ng administrasyong Marcos, at mga pwersang naglunsad ng mga mararahas na kudeta laban sa administrasyong Aquino ang muling nakahanap ng kakampi mula sa malupit at marahas na si Rodrigo Duterte. Ginagamit lamang nilang palusot ang pagkikintal ng pagkamakabayan at mabuting pagkamamamayan upang itulak ang pagbabalik ng sapilitang ROTC na siyang magiging hulmahan ng mga susunod na henerasyon ng mga pasista at militarista.

Kailangang labanan ang hakbang na ito. Kasalukuyang may panukala sa Kongreso si Senador Sherwin Gatchalian na ibalik ang sapilitang ROTC sa mga pamantasan. Himukin at pwersahin natin si Gatchalian at sinumang may kaparehong balak na bitawan ang kahibangang ito at sa halip ay mas pag-ibayuhin ang pagtuturo ng kasaysayan at mga pagpapahalaga sa paaralan.

Sa huli, ang pagmamahal sa bayan, gaya ng ibang uri ng pagmamahal, ay pinagpipilian at hindi ipinipilit sa isang indibidwal. Hindi natin maaaring mahalin ang isang taong hindi natin mahal. Sa ganitong paraan, hindi rin natin maaaring mahalin ang isang bayan na hindi naman natin nararamdaman ang ambag sa ating pagkatao at pagkanilalang. Hindi maaaring basta-basta na lang mahalin ang isang lugar dahil dito pinanganak. Minamahal mo ito dahil dito nagkamuwang, lumaki, nagkaroon ng mga pamilya, mga kaibagan at mga parangarap. Minamahal mo ang bayan dahil minamahal ka rin nito sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyong mga pangangailangan. Mimamahal moa ng bayan dahil hindi ka nito sinasaktan at dinadala sa kapahamakan.

Sa gayong paraan, ang pagsali sa ROTC program ay dapat na pinagpipilian at hindi ipinipilit sa mga mamamayan.

Asahan niyong patuloy na ipaglalaban ng The Social Scientist ang pagharang sa sapilitang ROTC sa mga pamantasan.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...