“Ano bang nangyari pagkatapos ng EDSA? Lumaganap ang kahirapan. Lumaganap ang drugs. Lumaganap ng krimen. Dumami ang mga corrupt. Yang EDSA Revolution ang pinakamasamang pangyayari sa ating kasaysaysan,” sabi ng isang tangang netizen sa Facebook.
“Nagkaroon daw ng freedom pagkatapos ng EDSA. Oo. Freedom na mangurakot, freedom na magdrugs. Mayayaman lang ang nagkaroon ng freedom. Wala nang disiplina ang mga tao,” sabi ng isa pang tangang netizen habang ginagamit ang kanyang freedom of expression sa Facebook.
Ang daming nilang pinupukol at binibintang sa EDSA Revolution, na tila ba ito ay isang kabiguan at sanhi ng lahat ng kahirapan at kamalasang dinaranas ng bansa ngayon. Pero EDSA Revolution nga ba ang may likha ng lahat ng mga problema natin ngayon?
EDSA Revolution: Sanhi ng pambansang problema?
Bago mo sisihin ang EDSA Revolution sa mga kasalukuyang problema ng bansa, tumingin ka muna sa salamin at bumalik sa nakaraan.
Halimbawa, noong balangkasin at ipasa ang 1987 Constitution, ano ang ginawa mo para tutulan ang mga probisyon na sa tingin mo eh di makabubuti sa taumbayan? Ano ang ginawa mo para kumbinsihin ang iyong mga kababayan na tuligsain ang pagpasa sa mga probisyong ito? Ano ang ginawa upang kumbinsihin at pilitin ang kinatawan ng inyong lalawigan upang baguhin ang mga probisyong ito? Kung wala kang ginawa, sino ngayon ang dapat sisihin? Ikaw.
Noong 1993, ibinalik ang bangkay ng diktador na si Ferdinand Marcos sa bansa. Mula noon, ang katawan niya ay naging simbahan ng mga Marcos loyalists, na mas mahal pa ang dating diktador at human rights violator sa halip na sarili nilang bansa.
Nakabalik ang bangkay ni Marcos ang bansa dahil sa isang kasunduan sa pagitan ni dating Pangulong Fidel Ramos at ng pamilya Marcos. Nakabalik rin muli sa kapangyarihan ang pamilya Marcos. Nahalal si Imelda Marcos bilang kongresista ng Leyte noong 1995. Nahalal naman bilang gobernador at kinatawan ng Ilocos Norte ang mga anak niyang sina Imee at Bongbong noong 1998.
Nagpatuloy sila sa kanilang political dynasty sa mga naturang probinsya; patuloy rin nilang ipinagkalat ang kasinungalingan na ang rehimeng Marcos ang pinakamaganda umanong yugto sa kasaysayan ng bansa. Ito ay sa kabila ng pag-utos ng mga korte sa bansa at ibayong dagat na ibalik nila sa gobyerno ng Pilipinas ang mga perang ninakaw nila sa kaban ng bayan.
Ano ang ginawa mo upang pigilan ang pagbabalik sa bansa ng bangkay ni Marcos? Ano ang ginawa upang pigilan ang pagbabalik sa pulitika ng pamilya Marcos? Kung isa ka sa mga bumoto kina Imelda, Imee at Bongbong, isa ka sa libo-libong Pilipinong nagbigay kapangyarihan sa political dynasty na ito. Ikaw ang sanhi ng problema.
Anong ginawa niyo pagkatapos ng EDSA?
Ilang mga batas na ba ang naipasa ng Kongreso na hindi naman nakabuti sa mamamayan? Ilang mga panukalang batas na makabubuti sana sa mamamayan ang hindi naipasa ng Kongreso dahil ayaw nilang talakayin at pagbotohan? Kailan ka huling pumunta ng Kongreso upang hikayatin ang iyong kongresista o senador na ipasa o kaya ay tutulan ang isang panukalang batas? Kung di mo ito nagawa sa buong buhay mo, bahagi ka ng mga problema pagkatapos ng EDSA Revolution.
Nang matapos ang EDSA Revolution, ipinagpatuloy mo ba ang pagsunod sa Saligang Batas, gaya ng mga batas trapiko, batas sa pagbabayad ng buwis, at iba pa? Kung isa ka sa mga taong hinaharangan ang tawiran gamit ang kanyang sasakyan, o kaya eh hindi tumatawid sa tamang tawiran, o kaya ay hindi nagbabayad ng tamang buwis, bahagi ka ng mga problema pagkatapos ng EDSA Revolution.
Ilang gobyerno na ba ang lumipas pagkatapos ng EDSA Revolution? Aquino, Ramos, Estrada, Arroyo, Aquino III at Duterte. Ano ang ginawa mo para tutukan sila sa mga bagay na ipinangako nila? Ano ang ginawa mo upang punahin sila sa mga pangako nilang napako? Ano ang ginawa mo upang kalampagin sila kapag tila pinababayaan nila ang kanilang tungkulin o kaya eh umaabuso sila sa kapangyarihan? Kung hindi mo sila pinupuna, hindi nila nakikita na nagpapabaya sila o kaya eh mali ang ginagawa nila. Hinahayaan mong lumaki ang ulo nila. Naging kunsintidor ka ng maling gawain sa ating pamahalaan.
Sa inyong mga komunidad, ano ang ginawa mo upang hindi na muling maihalal ang mga tiwali, mapang-abuso at kapit-tukong mga opisyal? Ano ang naging partisipasyon mo sa mga programang pang-komunidad? Kabilang ka ba sa mga tumutulong na maiparehab ang mga drug addict? Kabilang ka ba sa mga tumutulong upang mailayo ang kabataan mula sa krimen at karahasan? Kabilang ka ba sa mga tumutulong sa mga naghihikahos at naghihirap sa ating bayan? Kung hindi mo ginagawa ang iyong social responsibility, kung nawalan ka ng pakialam sa iyong paligid, bahagi ka ng problema.
Ang gobyerno ay sumasalamin sa mga taong nasasakupan nito. Kung ang gobyerno ay mapaniil, mapang-abuso, walang pakialam at pumapatay, patunay lamang na ang mga nasasakupan nito ay mga alipin at gustong magpaalipin.
EDSA para sa paglaho ng mga problema?
Kung sumali ka sa EDSA Revolution sa buong pag-aakalang gaganda ang buhay mo, nagkakamali ka ng akala. Maging ang mga taong nag-organisa ng EDSA Revolution ay walang ipinangakong ganyang bagay. Wala namang sinabi si Cardinal Sin na kapag sumama kayo sa EDSA Revolution eh yayaman kayo. Wala namang sinabi si Cory Aquino na kapag sinuportahan niyo ang pagpapatalsik kay Marcos eh mawawala na ang mga problema ng bansa.
Ang EDSA Revolution ay isang lamang mapayapang pagpapalit ng gobyerno, mula sa isang mapaniil sa ating kalayaan, tungo sa dapat sanay isang demokratiko at malayaang uri ng pamahalaan. Sa pagkakataong iyon na nawala sa poder si Ferdinand Marcos, pagkakataon na sana natin iyon na gamitin ang ating kalayaan upang baguhin ang umiiral na mga maling kaisipan at sistema ating lipunan. Pero kung ginamit niyo ang kalayaang natamo niyo upang ibalik lamang sa poder ang mga trapong pulitiko, upang bigyang kapangyarihan ang mga pumapatay at mga mapang-abuso, upang hayaan ang mga sumunod na gobyerno na muling lamunin ng tiwaling sistema, upang hayaan ang bansa na patuloy na masadlak sa kahirapan — puwes, hindi kasalanan ng EDSA Revolution iyon. Kasalanan niyo iyon.
Walang ibang dapat sisihin kundi kayo. Hindi ang EDSA. Hindi ang demokrasya. Ang EDSA ang lansangan lamang. Ang EDSA Revolution ay isang pangyayari lamang. Ang demokrasya ay isang konsepto lamang. Pero ang diwa ng EDSA ay hindi maisasakatuparan kung kayo ay naging inutil, kunsintidor at pabaya. Gaya ng mga Pilipino buong pusong niyakap ang kolonyalismo ng mga Amerikano pagkatapos ng Himagsikang ng 1896, patuloy niyong niyayakap ang mga malulupit at mapang-alipin. Mahal na mahal niyo ang mga tinakala niyo.
Hindi nabigo ang EDSA Revolution. Kayo ang bumigo sa himagsikan.