“Those who cannot remember the past are condemned to repeat it,” ang sabi ng
Espanyol na manunulat at pilosopo na si George Santayana.
Ang kasabihang ito ay tila nagbabadya ng katuparan sa ating lipunan
ngayon. Sa dami ng mga taong tila nakalimot na sa ating pinagdaanan mahigit 40
taon na ang nakakaraan, malamang ay makakakita na naman tayo ng isang Ferdinand Marcos sa
Malacañang.
Sa mga dumanas ng kaliputan sa ilalim ng Batas Militar, para bang kahapon
lamang nang maganap ang mga karumal-dumal na pagpatay, ang walang habas na
paniniil, at ang mala-kamay na bakal na pagpigil sa ating kalayaan matapos ang
ika-23 ng Setyembre, 1972 (Nilagdaan ni Marcos ang Proklamasyon Blg. 1081 noong ika-21 ng Setyembre).
Subalit sa tinaguriang Facebook Generation—mga Pilipinong ipinanganak
matapos ang rehimen at rebolusyon—ang mga pighati, sakripisyo, at pag-aalay ng
buhay na ito ay tila wala nang saysay sa kanila.
Bakit nga ba tayo humantong sa ganito? Paanong nakalimutan ng bagong
henerasyon ang ating mga ipinaglaban sa kabila ng taunang paggunita dito? Ano
ang maaari nating gawin upang di tuluyang magkatotoo ang mga salita ni George
Santayana sa ating panahon?
Ang pagkalimot ay nakasulat na sa kasaysayan
Ang kasaysayan ay puno ng mga pangyayari na kung saan tila ba nakalimot
ang isang bansa o lipunan sa kanilang ipinaglaban ilang taon o dekada ang
lumipas matapos ang pangyayari.
Isang halimbawa ay ang Rebolusyong Pranses mula 1789 hanggang 1799. Sa
loob ng sampung taong panahon na ito, pinatalsik ng lipunang Pranses ang
kanilang hari na si Louis XVI at nagtatag ng isang malayang republika na
kumikilala sa karapatang pantao.
Subalit, ang kaguluhang dala ng tinaguriang Reign of Terror mula 1793
hanggang 1794 ay nagdulot ng pagkakawatak-watak ng republika at ang pagluklok
ng mga Pranses sa isang panibagong hari, si Napoleon Bonaparte.
Isa pang magandang halimbawa ay ang Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdig
(1914-1918 at 1939-1945). Matapos matalo ang Imperyong Aleman at mga alyado
nito laban sa pinagsamang pwersa ng Amerika, Britanya, Italya, at Pransya noong
1918, tila nakalimot ang mga Aleman sa mga aral ng digmaan.
Sa loob lamang ng 15 taon ay nailuklok naman sa pinakamataas na pwesto ng
Alemanya ang diktador na si Adolf Hitler na nagdala sa daigdig sa isang
panibagong digmaan.
Tila ba di makakalimutan ng mundo ang malagim na Final Solution ni
Hitler, isang sistematikong programa ng paglipol sa milyun-milyong Hudyo,
Gypsies, at mga Komunista, at hanggang ngayon ay isa sa pinakamalagim na bahagi
ng kasaysayan ng daigdig.
Ngunit matapos ang Ikalawang Digmaang pandaigdig, sumulpot sa Alemanya
noong dekada 50 at 60 ang mga Nachgeborenen o mga Alemang ipinanganak matapos ang
digmaan.
Sa kabila ng
masalimuot na kasaysayan ng kanilang bansa, nahirapan ang bagong henerasyong
ito na makamit ang Vergangenheitsbewältigung
o ang proseso ng pagtanggap sa kanilang nakaraan. Maraming kabataang Aleman ang
tila di batid ang mga ginawa ng rehimeng Nazi, habang ang iba pa’y pinuri at
binigyang pugay ito (ipinakita sa atin ito ng aklat ni Bernhard Schlink na The Reader).
Ang lipunang
Pilipino sa ilalim ng makabagong henerasyon ay nakararanas din ng kabiguang
matanggap ang kanilang nakaraan. Kaya di nakapagtatakang marami sa kanila ang
hindi alam ang saysay ng Batas Militar at ng Rebolusyon sa EDSA.
Marami sa
kanila ang aktibo pa nga sa pagpuri at pag-idolo kay Marcos at sa mga ginawa
niya sa kabila ng malagim na resulta nito.
Paano tayo
humantong sa ganito?
Ang mundo ay
higit nang nababalot sa impormasyon. Ang Information Age ay nagdulot ng
pag-usbong ng mga makabagong midyum kung saan ang impormasyon ay madaling
likhain at palaganapin.
Sa halip na
mga aklat at pahayagan, ang tangan ng mga kabataan ngayon ay ang Internet: isang
alkansya ng kaalaman sa dulo ng ating mga daliri.
At dahil sa
dali ng paglikha at pagpapalaganap ng impormasyon sa Internet, naging
pagkakataon ito sa mga loyalista ni Marcos upang magpakalat ng mga
kasinungalingan at iretoke ang imahe ni Marcos.
Isang Marcos
na taga-pagligtas ng demokrasya laban sa komunismo. Isang Marcos na nagpaangat
sa Pilipinas upang maging pinakamatatag na ekonomiya noong panahon niya.
Sa kasamaang
palad, madaling maniwala ang bagong henerasyon, nang walang pagsusuri sa
pinagmulan ng impormasyon at sa katotohanan sa likod nito.
Ang
sitwasyong ito ay lalo pang pinalala ng ating masalimuot na sistema ng
edukasyon sa bansa. Dahil sa pagbibigay-diin sa mga paksang gaya ng Matematika,
Ingles, at Siyensya, napabayaan at di nabigyan ng sapat na pansin ang pagtuturo
ng kasaysayan.
Ang mga
pangunahing subject na ito ay may mas mahabang oras ng pagtuturo at mas
malaking unit sa pagmamarka. Kadalasan pa nga’y nabibigyang diin din ito ng mga
kaakibat na elective subjects.
Ang
kasaysayan ng Pilipino ay naibaba bilang isang minor subject at itinuturo na
lamang ng tatlong beses (minsang pa nga’y isang beses) sa isang linggo, sa loob
lamang ng 40 minuto hanggang isang oras.
Dahil kulang
ang oras, sa pagtatapos ng taong pampaaralan, ang pagtalakay sa kasaysayan ay
kadalasang umaabot lamang sa panahon ng mga Amerikano o ng mga Hapon. Ang
panahon ng Ikatlong Republika, Martial Law, at Rebolusyong EDSA ay mga pahina
sa mga aklat na di man lang nabubuklat.
Hindi rin itinuturo ang kasaysayan batay sa mga pangunahing batis o primary sources. Hindi tuloy nalalaman ng mga mag-aaral kung paano magsuri ng mga batayan ng impormasyon, kung totoo ba ito o may kinikilingan. Walang matinong pagsasanay ang mga mag-aaral sa historyograpiya.
Kaya naman paniniwalaan ng mga kabataan ngayon ang anumang maganda tungkol kay Marcos, basta't nasa Internet ito.
Malaking
balakid din ang pagkakaroon ng mga gurong walang tamang pagkakaunawa sa kasaysayan.
Sa Ilocos Region at sa lalawigan ng Leyte, may mga gurong itinuturo ang Martial
Law at Rebolusyong EDSA ng taliwas sa sinasabi ng kasaysayan.
Paano
maaalala ng bagong henerasyon ang malagim na bahagi ng ating kasaysayan kung
heto’t ang mga natuturo sa kanila ay mga loyalista ni Marcos na handang
baluktitin ang mga pangyayari sa nakaraan?
Ang pag-aaral ng kasaysayan ay tungkol na lamang sa pagmemorya ng mga pangalan, pangyayari, mga pook, at petsa. Hindi na ito tungkol sa pagsusuri ng mga dahilan, ng pagtitimbang sa mga pagkilos ng mga grupo at indibidwal.
Sa kasalukuyang K to 12 Curriculum, higit na naibaba ang estado ng pagtuturo ng kasaysayan. Ang pagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas ay ibinaba na lamang sa Grade 5 at 6: mga baitang ng mga mag-aaral na wala pang kakayahan na malalimang suriin ang mga pangyayari sa nakaraan.
Sa madaling sabi, sa K to 12 Curriculum, tila ang kasaysayan ay nawalan ng saysay.
Nakalimutan nating magbantay
Subalit, kung
may pinakamalaking dahilan upang makalimot ang bagong henerasyon tungkol kay
Marcos, ito ay ang kalagayan ng bansa natin ngayon.
Apatnapung
taon mula nang ideklara ang Batas Militar at halos tatlumpung taon mula nang
maibalik ang demokrasya noong Rebolusyong EDSA, nananatili ang mga suliranin na
kinaharap natin noon at siyang rason ng bagong henerasyon ngayon upang
ikarangal ang palalong si Marcos.
Kahirapan.
Kawalan ng oportunidad. Tatsulok na lipunan. Kriminalidad. Katiwalian.
Political Dynasties. Padrino System. Ang maruming pulitikang ipinakilala sa
atin ni Marcos ay nagpapatuloy sa kabila ng panunumbalik ng demokrasya.
Ito ay
sumasalamin sa kabiguan ng ating lipunan na matutunan ang mga aral ng Batas Militar
at EDSA. Inakala natin na sa pagpapalit ng administrasyon nagtatapos ang laban.
Nagkamali
tayo ng akala. Hindi natin pinanatili ang pagbabago. Bagkus, hinayaan natin na
ang halimbawang ipinakita ni Marcos ay magpunla sa puso ng ating mga lider at
higit pang lumaganap hanggang sa ang buong sistema ay maging halos permanente
na.
Hindi natin tinuruan ang bagong henerasyon na maging mapanuri, magmatyag, at magbantay. Hinayaan natin silang lumaki sa layaw, gawin ang mga walang kapararakang bagay, at maging bulag sa kanilang nakaraan.
Nabigo tayong magbantay. Nanumbalik tayo sa ating mga trabaho, sa ating tahimik na buhay.
Nabigo tayong magbantay. Nanumbalik tayo sa ating mga trabaho, sa ating tahimik na buhay.
Pagpapanatili ng pagbabago
Hindi pa
naman huli ang lahat upang labanan ang mawalakang amnesia na ito sa ating
bansa. Kung talagang gusto ay may paraan at may mga grupo at indibidwal na
sumasabay sa nagbabagong panahon upang patuloy na ituro ang mga aral ng
nakaraan.
Suportahan
natin sila. Makibahagi tayo sa pagpapaalala at pagpapalaganap ng
katotohanan. Palaganapin ninyo ang pahayag na ito, sa inyong mga kaibigan,
kakilala, lalong lalo na sa kabataan.
At higit sa
lahat, kumilos tayo upang makamit ng ating bansa ang pangarap nito na maalis
ang kahirapan at kawalan ng oportunidad, sa pamamagitan ng patuloy paglaban sa
katiwalian at maling gawain, nang naaayon sa katotohanan, katwiran, at
katibayan.
Pagkat habang nananatili ang mga suliraning nagmula pa sa rehimeng Marcos, mananatiling siyang buhay bilang isang bayani sa mga mang-mang at walang muwang. Huwag ninyong hayaan na magpunla at mabuhay si Marcos sa puso nating lahat.
Sabi nga ni
George Santayana:
“Ang pag-unlad ay di lamang pagbabago; ito ay nakasalalay sa
pagpapanatili ng pagbabago. Kung ang pagbabago ay tiyak, walang daan o sinuman
na kailangan pang baguhin; at kung hindi mananatili sa atin ang alaala, gaya sa
malulupit na tao, ang kawalan ng muwang ay habambuhay.”
Mga batayang batis:
Kennedy, Emmet (1989). A Cultural History of the French Revolution. New Haven: Yale University Press.
Kennedy, Emmet (1989). A Cultural History of the French Revolution. New Haven: Yale University Press.
Evans, Richard J. (2003). The Coming of the Third Reich. New York; Toronto: Penguin.
Herf, Jeffrey. (1997) Divided Memory: The Nazi Past in the Two Germanys. Cambridge: Harvard University Press.
Bonner, Raymond (1987). Waltzing with a Dictator: The Marcoses and the Making of American Policy. New York: Times Books.
Seagrave, Sterling (1988): The Marcos Dynasty, Harper Collins