Sunday, July 27, 2014

FILIPINO | Paano natin nakalimutan si Marcos?


Those who cannot remember the past are condemned to repeat it,” ang sabi ng Espanyol na manunulat at pilosopo na si George Santayana.

Ang kasabihang ito ay tila nagbabadya ng katuparan sa ating lipunan ngayon. Sa dami ng mga taong tila nakalimot na sa ating pinagdaanan mahigit 40 taon na ang nakakaraan, malamang ay makakakita na naman tayo ng isang Ferdinand Marcos sa MalacaƱang.

Sa mga dumanas ng kaliputan sa ilalim ng Batas Militar, para bang kahapon lamang nang maganap ang mga karumal-dumal na pagpatay, ang walang habas na paniniil, at ang mala-kamay na bakal na pagpigil sa ating kalayaan matapos ang ika-23 ng Setyembre, 1972 (Nilagdaan ni Marcos ang Proklamasyon Blg. 1081 noong ika-21 ng Setyembre).

Subalit sa tinaguriang Facebook Generation—mga Pilipinong ipinanganak matapos ang rehimen at rebolusyon—ang mga pighati, sakripisyo, at pag-aalay ng buhay na ito ay tila wala nang saysay sa kanila.

Bakit nga ba tayo humantong sa ganito? Paanong nakalimutan ng bagong henerasyon ang ating mga ipinaglaban sa kabila ng taunang paggunita dito? Ano ang maaari nating gawin upang di tuluyang magkatotoo ang mga salita ni George Santayana sa ating panahon?

Ang pagkalimot ay nakasulat na sa kasaysayan

Ang kasaysayan ay puno ng mga pangyayari na kung saan tila ba nakalimot ang isang bansa o lipunan sa kanilang ipinaglaban ilang taon o dekada ang lumipas matapos ang pangyayari.

Isang halimbawa ay ang Rebolusyong Pranses mula 1789 hanggang 1799. Sa loob ng sampung taong panahon na ito, pinatalsik ng lipunang Pranses ang kanilang hari na si Louis XVI at nagtatag ng isang malayang republika na kumikilala sa karapatang pantao.

Subalit, ang kaguluhang dala ng tinaguriang Reign of Terror mula 1793 hanggang 1794 ay nagdulot ng pagkakawatak-watak ng republika at ang pagluklok ng mga Pranses sa isang panibagong hari, si Napoleon Bonaparte.

Isa pang magandang halimbawa ay ang Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1914-1918 at 1939-1945). Matapos matalo ang Imperyong Aleman at mga alyado nito laban sa pinagsamang pwersa ng Amerika, Britanya, Italya, at Pransya noong 1918, tila nakalimot ang mga Aleman sa mga aral ng digmaan.

Sa loob lamang ng 15 taon ay nailuklok naman sa pinakamataas na pwesto ng Alemanya ang diktador na si Adolf Hitler na nagdala sa daigdig sa isang panibagong digmaan.

Tila ba di makakalimutan ng mundo ang malagim na Final Solution ni Hitler, isang sistematikong programa ng paglipol sa milyun-milyong Hudyo, Gypsies, at mga Komunista, at hanggang ngayon ay isa sa pinakamalagim na bahagi ng kasaysayan ng daigdig.

Ngunit matapos ang Ikalawang Digmaang pandaigdig, sumulpot sa Alemanya noong dekada 50 at 60 ang mga Nachgeborenen o mga Alemang ipinanganak matapos ang digmaan.

Sa kabila ng masalimuot na kasaysayan ng kanilang bansa, nahirapan ang bagong henerasyong ito na makamit ang VergangenheitsbewƤltigung o ang proseso ng pagtanggap sa kanilang nakaraan. Maraming kabataang Aleman ang tila di batid ang mga ginawa ng rehimeng Nazi, habang ang iba pa’y pinuri at binigyang pugay ito (ipinakita sa atin ito ng aklat ni Bernhard Schlink na The Reader).

Ang lipunang Pilipino sa ilalim ng makabagong henerasyon ay nakararanas din ng kabiguang matanggap ang kanilang nakaraan. Kaya di nakapagtatakang marami sa kanila ang hindi alam ang saysay ng Batas Militar at ng Rebolusyon sa EDSA.

Marami sa kanila ang aktibo pa nga sa pagpuri at pag-idolo kay Marcos at sa mga ginawa niya sa kabila ng malagim na resulta nito.

Paano tayo humantong sa ganito?

Ang mundo ay higit nang nababalot sa impormasyon. Ang Information Age ay nagdulot ng pag-usbong ng mga makabagong midyum kung saan ang impormasyon ay madaling likhain at palaganapin.

Sa halip na mga aklat at pahayagan, ang tangan ng mga kabataan ngayon ay ang Internet: isang alkansya ng kaalaman sa dulo ng ating mga daliri.

At dahil sa dali ng paglikha at pagpapalaganap ng impormasyon sa Internet, naging pagkakataon ito sa mga loyalista ni Marcos upang magpakalat ng mga kasinungalingan at iretoke ang imahe ni Marcos.

Isang Marcos na taga-pagligtas ng demokrasya laban sa komunismo. Isang Marcos na nagpaangat sa Pilipinas upang maging pinakamatatag na ekonomiya noong panahon niya.

Sa kasamaang palad, madaling maniwala ang bagong henerasyon, nang walang pagsusuri sa pinagmulan ng impormasyon at sa katotohanan sa likod nito.

Ang sitwasyong ito ay lalo pang pinalala ng ating masalimuot na sistema ng edukasyon sa bansa. Dahil sa pagbibigay-diin sa mga paksang gaya ng Matematika, Ingles, at Siyensya, napabayaan at di nabigyan ng sapat na pansin ang pagtuturo ng kasaysayan.

Ang mga pangunahing subject na ito ay may mas mahabang oras ng pagtuturo at mas malaking unit sa pagmamarka. Kadalasan pa nga’y nabibigyang diin din ito ng mga kaakibat na elective subjects.

Ang kasaysayan ng Pilipino ay naibaba bilang isang minor subject at itinuturo na lamang ng tatlong beses (minsang pa nga’y isang beses) sa isang linggo, sa loob lamang ng 40 minuto hanggang isang oras.

Dahil kulang ang oras, sa pagtatapos ng taong pampaaralan, ang pagtalakay sa kasaysayan ay kadalasang umaabot lamang sa panahon ng mga Amerikano o ng mga Hapon. Ang panahon ng Ikatlong Republika, Martial Law, at Rebolusyong EDSA ay mga pahina sa mga aklat na di man lang nabubuklat.

Hindi rin itinuturo ang kasaysayan batay sa mga pangunahing batis o primary sources. Hindi tuloy nalalaman ng mga mag-aaral kung paano magsuri ng mga batayan ng impormasyon, kung totoo ba ito o may kinikilingan. Walang matinong pagsasanay ang mga mag-aaral sa historyograpiya.

Kaya naman paniniwalaan ng mga kabataan ngayon ang anumang maganda tungkol kay Marcos, basta't nasa Internet ito.

Malaking balakid din ang pagkakaroon ng mga gurong walang tamang pagkakaunawa sa kasaysayan. Sa Ilocos Region at sa lalawigan ng Leyte, may mga gurong itinuturo ang Martial Law at Rebolusyong EDSA ng taliwas sa sinasabi ng kasaysayan.

Paano maaalala ng bagong henerasyon ang malagim na bahagi ng ating kasaysayan kung heto’t ang mga natuturo sa kanila ay mga loyalista ni Marcos na handang baluktitin ang mga pangyayari sa nakaraan?

Ang pag-aaral ng kasaysayan ay tungkol na lamang sa pagmemorya ng mga pangalan, pangyayari, mga pook, at petsa. Hindi na ito tungkol sa pagsusuri ng mga dahilan, ng pagtitimbang sa mga pagkilos ng mga grupo at indibidwal.

Sa kasalukuyang K to 12 Curriculum, higit na naibaba ang estado ng pagtuturo ng kasaysayan. Ang pagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas ay ibinaba na lamang sa Grade 5 at 6: mga baitang ng mga mag-aaral na wala pang kakayahan na malalimang suriin ang mga pangyayari sa nakaraan.

Sa madaling sabi, sa K to 12 Curriculum, tila ang kasaysayan ay nawalan ng saysay.

Nakalimutan nating magbantay

Subalit, kung may pinakamalaking dahilan upang makalimot ang bagong henerasyon tungkol kay Marcos, ito ay ang kalagayan ng bansa natin ngayon.

Apatnapung taon mula nang ideklara ang Batas Militar at halos tatlumpung taon mula nang maibalik ang demokrasya noong Rebolusyong EDSA, nananatili ang mga suliranin na kinaharap natin noon at siyang rason ng bagong henerasyon ngayon upang ikarangal ang palalong si Marcos.

Kahirapan. Kawalan ng oportunidad. Tatsulok na lipunan. Kriminalidad. Katiwalian. Political Dynasties. Padrino System. Ang maruming pulitikang ipinakilala sa atin ni Marcos ay nagpapatuloy sa kabila ng panunumbalik ng demokrasya.

Ito ay sumasalamin sa kabiguan ng ating lipunan na matutunan ang mga aral ng Batas Militar at EDSA. Inakala natin na sa pagpapalit ng administrasyon nagtatapos ang laban.

Nagkamali tayo ng akala. Hindi natin pinanatili ang pagbabago. Bagkus, hinayaan natin na ang halimbawang ipinakita ni Marcos ay magpunla sa puso ng ating mga lider at higit pang lumaganap hanggang sa ang buong sistema ay maging halos permanente na.


Hindi natin tinuruan ang bagong henerasyon na maging mapanuri, magmatyag, at magbantay. Hinayaan natin silang lumaki sa layaw, gawin ang mga walang kapararakang bagay, at maging bulag sa kanilang nakaraan.

Nabigo tayong magbantay. Nanumbalik tayo sa ating mga trabaho, sa ating tahimik na buhay.

Pagpapanatili ng pagbabago

Hindi pa naman huli ang lahat upang labanan ang mawalakang amnesia na ito sa ating bansa. Kung talagang gusto ay may paraan at may mga grupo at indibidwal na sumasabay sa nagbabagong panahon upang patuloy na ituro ang mga aral ng nakaraan.

Suportahan natin sila. Makibahagi tayo sa pagpapaalala at pagpapalaganap ng katotohanan. Palaganapin ninyo ang pahayag na ito, sa inyong mga kaibigan, kakilala, lalong lalo na sa kabataan. 

At higit sa lahat, kumilos tayo upang makamit ng ating bansa ang pangarap nito na maalis ang kahirapan at kawalan ng oportunidad, sa pamamagitan ng patuloy paglaban sa katiwalian at maling gawain, nang naaayon sa katotohanan, katwiran, at katibayan.

Pagkat habang nananatili ang mga suliraning nagmula pa sa rehimeng Marcos, mananatiling siyang buhay bilang isang bayani sa mga mang-mang at walang muwang. Huwag ninyong hayaan na magpunla at mabuhay si Marcos sa puso nating lahat.

Sabi nga ni George Santayana: 

“Ang pag-unlad ay di lamang pagbabago; ito ay nakasalalay sa pagpapanatili ng pagbabago. Kung ang pagbabago ay tiyak, walang daan o sinuman na kailangan pang baguhin; at kung hindi mananatili sa atin ang alaala, gaya sa malulupit na tao, ang kawalan ng muwang ay habambuhay.”

Mga batayang batis:
Kennedy, Emmet (1989). A Cultural History of the French Revolution. New Haven: Yale University Press.
Evans, Richard J. (2003). The Coming of the Third Reich. New York; Toronto: Penguin.
Herf, Jeffrey. (1997) Divided Memory: The Nazi Past in the Two Germanys. Cambridge: Harvard University Press.
Bonner, Raymond (1987). Waltzing with a Dictator: The Marcoses and the Making of American PolicyNew York: Times Books.
Seagrave, Sterling (1988): The Marcos Dynasty, Harper Collins

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...