Anak siya ng kanyang mga magulang. Kaibigan siya sa kanyang
mga kabarkada at kakilala. Nais lamang niya makaraos nang may kakanin sa araw-araw.
Marahil, minsan, sa kaibuturan ng kanyang kamulatan ay pinagsisihan niya ang mga kanyang piniling daan. Marahil, naghahanap rin siya ng
kaunting pang-unawa at pagtanggap ng lipunan.
Subalit, hindi na mahalaga ang lahat ng ito ngayong patay ni si
Jeffrey Laude, o “Jennifer”, sa mga nakakakilala sa kanya. Sa isang iglap,
naglahong parang bula sa ating hinagap si Jennifer. Nawalan ng ulirat sa
maruming tubig-inidorong sumulasok sa kanyang hininga dahil sa pagngudngod ni
Joseph Scott Pemberton sa pagmumukha niya.
Ang tanging kasalanan niya: Dahil binabae siya
Ngunit hindi nagtatapos sa loob ng isang kubeta sa Lungsod
ng Olongapo ang pagpatay kay Laude—ito ay isang krimen na patuloy na
isinasagawa. Pagkat matapos siyang tanggalan ng buhay at puri sa kamay ng isang
banyaga, heto’t tangan ng nakararami sa ating lipunan ang patalim, inuundayan
ng saksak ang dangal at pagkatao ng isang namayapa.
Nakapandidiri. Nakasusuka. Ngunit di nakapagtataka. Pagkat
hanggang ngayon, ang lipunang ito na ginupo ng kanser ay patuloy na sumisira sa
kanyang sariling mga kababayan; humahawa, kumakalat, gaya ng walang lunas naEbola.
Sa isang lipunang nabubuhay sa tsismis, intriga, at kathang
isip, asahan na ang pagkutya at panghuhusga sa biktima kaysa sa may-salĂ . Sa
isang lipunang hibang sa banyagang impluwensiya, na mas pipilahan pa ang
pagbubukas ng una’t bagong sangay ng H&M o ang pagrampa ng mga babaeng modelong tinaling parang aso, hindi nga naman katawag-tawag na kriminal ang isang puting
Kano tulad ni Pemberton.
Si Pemberton ang kumakatawan nga naman sa ating kaligtasan
laban sa ating mga kaaway, kaligtasang hatid ng EDCA at ng Amerika. Wala tayong
kalaban-laban kapag sinalakay tayo ng Pulang Tsina at sakupin ang ating mgaisla.
Walang ring kalaban-laban si Laude nang i-ngudngod sa
inidoro ng puting banyaga. Subalit sa nakararaming Pilipino, hindi naman na ito
mahalaga.
Bakit nga naman natin pag-aaksayahan ng panahon ang isang
binabaeng mababa ang lipad? Kinalakal niya ang sariling katawan sa mga
kalalakihan nang lingid sa kaalaman ng kanyang Aleman na katipan. Isa siyang
haliparot. Isa siyang kawatan. Isa siyang salawahan. Dapat lamang sa kanya’y
kamatayan!
Kristiyanong sambayanan! Walang dungis o kapintasan! Sige’t
ipukol niyo ang bato sa binabaeng mangangalunya!
Bayan kong may kanser, ganito tayo nabubuhay. Umiinog tayo
sa nagpapatuloy na nakaraan. Oo’t wala nang mga prayle. Kayumanggi na ang
simbahan at pamahalaan. Subalit nakagapos pa rin tayo sa mga dating mananakop at
ang mga alipin ng kahapon ang siya namang mga mapang-alipusta ng kasalukuyan.
Ito ba ang tadhana natin? Ang ating tunay na sadlak? Mahigit isandaang taon ng kalayaan, sinayang pagkat walang bait sa sariling kapakanan.
Ngunit marahil, kumpara sa nakararaming Pilipino, mas mapalad pa rin si Laude, pagkat payapa na ang kalooban niya. Habang binubulabog pa rin ang galit at suklam ang puso ng mga kumukutya sa pagkatao at kasarian niya. Mahimbing ka Jennifer, pagkat sa langit ay di ramdam ang masidhing init ng impyernong lipunang ito.
Gaya ni Jennifer Laude, anak ka ng iyong mga magulang.
Kaibigan ka ng iyong mga kabarkada at kakilala. Nais mo lamang na makaraos nang
may kakanin sa araw-araw. Marahil, minsan sa kaibuturan ng iyong kamulatan ay
naghahanap ka rin ng kaunting pang-unawa at pagtanggap ng lipunan—ng kaunting
katarungan sa buhay.
Nakikiisa ang The Social Scientist sa pambansang panawagan para makamit ni Jennifer Laude ang
hustisya at kabuuang pagtanggap ng lipunang Pilipino sa mga LGBT. #JusticeforJenniferLaude
Photos courtesy of SocialAlerts.com and BeechwoodCross.blogspot.com
No comments:
Post a Comment